sa ilalim ng unos na hindi pa dumarating

Naaninag ko na naman ang bagong liwanag na dumadampi at nagbibigay saya sa akin,

hindi man buong araw, subalit sapat at tiyak nang magpapaalala sa akin na kahit papaano may umaga pa rin pala.

Nakakapanibago lang na kapag nasisilayan ko ang kaniyang mga ngiti, parang merong nagliliyab sa dibdib ko,
‘yung tipong nagliliyab na hindi ka masusunog pero mararamdaman mo ang paso.

Tahimik ang mundo ko pero tila ba nagkakaroon na naman ng bagong ritmo. Pamilyar ang eksenang ito. Na para bang tinatawag ako ng bayang iniwanan ko na nang kay tagal, isang tahanang hindi ko na nilingunan at wala akong kaalam-alam na sabik rin sa aking pagbabalik.

Ngunit heto, hawak-hawak ko ang kaniyang mga kamay, naglalakad kami nang dahan-dahan at alam kong nag-aalinlangan pa siyang tawirin ang tulay pero ako’y nakahanda nang tawirin ito para sa kaniya.

Puno ng pagnanais, pero puno rin ng pag-iingat.
Nakakita ka na ba ng ilog na gustong lumusong sa dagat pero takot na takot naman ito sa mga alon?

At alam mo naman siguro ang kwento ko. Alam mo naman sigurong matagal na akong hindi nahahalikan ng ganitong pagkahumaling at ligaya,
Hindi ko na mawari o makilala ang tibok na nararamdaman ko na dahan-dahang umaakyat hanggang aking lalamunan.

Pero alam mo rin naman siguro na matigas ang ulo ko. Heto ako ngayon, nakatindig sa mismong pampang.

Handang sumugal,
kahit walang kasiguraduhan.
Nakakatawa, hindi ba? Pero alam niyo na rin naman at alam ko sa sarili ko na matagal na akong tuyot sa ganitong pagnanais at damdamin.

Kaya kahit ambon lang ang kaya niyang ibigay ngayon, tatanggapin ko.

Sapagkat minsan naniniwala ako na ang pinakamalalaking pagbuhos o pagsabog ay nagsisimula sa pinakamaliit na patak.

Sa ngayon, nakikita ko ang sarili namin bilang dagat at dalampasigan.
Maihahambing ko siya sa alon na paulit-ulit na lumalapit pero laging umaatras bago tuluyang humalik sa lupa.
At bago mo ako hatulan na isang baliw at tumawa riyan, nakikita ko naman ang sarili ko bilang isang baybayin na handang tanggapin ang paghalik nito sa lupa.

At maniwala ka, hindi na ako mapusok.
Sapagkat ngayon, kahit hindi pa niya kayang dalhin ang buong sarili niya sa pampang, nararamdaman ko pa rin naman ang unti-unti niyang paglapit.

At alam mo, may mga alon talagang nangangailangan ng tamang oras at panahon para malaman nila kung saan sila tunay na uuwi.